Novena to Our Lady of the Abandoned

Nobena sa Karangalan ng Ina ng mga Walang Mag-ampon, Reyna at Birhen ng Marikina


Inang Maria

Eduardo P. Hontiveros, SJ


O Inang Maria, ika’y aming takbuhan

Sa paglalakbay namin lagi Kang kasama.

Sa lungkot at ligaya, bahagi ka Ina.

Sa’yo iaalay, puso nami’t kaluluwa

Maria, Ina ng Diyos, tanglawan Mo’ng aming buhay

Yamang Ikaw ang tanging lingkod ng Diyos Ama.

Maria, Ina ng Diyos, tanglawan Mo’ng aming buhay

Yamang Ikaw ang tanging lingkod ng Diyos Ama.


Inang Sakdal Linis

Tradisyunal


Inang Sakdal Linis, kami ay ihingi

Sa D’yos Ama namin, awang minimithi

 

Ave, Ave, Ave Maria!

Ave, Ave, Ave Maria!

 

Bayang tinubuan ipinagdarasal

at kapayapaan nitong sanlibutan.

 

Ave, Ave, Ave Maria!

Ave, Ave, Ave Maria!



ANG TANDA NG KRUS

Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo

T: Amen.

 

PAGSISISI

O Diyos Ama na nasa Langit, may-ari ng aking buhay. Ikaw ang lumikha sa akin at nagkaloob ng buo kong pagkatao. Panginoong Hesukristo, Diyos na Totoo at Tao namang Totoo, may-ari ng aking kaluluwa. Ikaw ang sumakop sa akin at nagligtas sa pang-aalipin ng kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay Mo ng Iyong buhay at pagbubuwis ng Iyong Banal na Dugo.

 

O Diyos Espiritu Santo, may-ari ng aking katauhan bilang tahanan, Ikaw ang nagpapabanal at nagpupuspos sa akin ng Espiritu ng katotohanan at pag-ibig. Alam ko po na akong nagmula sa alabok ay isang makasalanang hindi nararapat na mayapakan man lang ng Iyong Banal na Talampakan, ngunit naglakas-loob pa rin akong lumapit sa Iyo ngayon. Buong puso po akong nanalig sa Iyong mga salitang hindi Mo tatanggihan at itatakwil ang sinumang makasalanang tapat na nagsisisi sa mga nagawang kasalanan at nagbabalik-loob sa Iyo. Kaya ngayon, puno ng mataimtim na pagsisisi, nagtitika ako na hindi na muling magkakasala sa Iyo. Patawarin mo po ako. Naghihirap ang aking puso at kalooban na puno ng kalungkutan sa pagtalikod sa Iyo. Hinihiling ko po na ako ay tulungang hindi na muling magkasala at nang sa gayon, maging marapat ako na Kayo ay sambahin at papurihan nang walang hanggan sa langit. Siya nawa.

 

PANALANGIN SA ARAW-ARAW

O Banal Na Santatlo, kinikilala ko na Kayo ang tanging Diyos at sa inyong pagka-Diyos na kahit Tatlong Persona ay iisang Diyos lamang. Minarapat ninyo na ang Katamis-tamisang Birhen ay mahayag bilang Ina ng mga Walang Mag-ampon. O Kamahal-mahalang Maria, kaawaan Mo po at dinggin ako ng Iyong sawing palad na Anak. napalayo ako sa Iyo at sa Diyos dahil sa paulit-ulit kong pagkakasala. Tinanggihan ko kayo dahil sa aking kapalaluan, ngunit ngayon, nangungulila ako sa Inyo. Ngayong nadarama ko ang mga hirap at takot sa buhay ay nababatid ko na Kayo ang tangi kong kailangan, ngunit tuwing naiisip ko ang aking mga kasalanan, nadarama ko ang matinding hiya para lumapit sa inyo. Sa ganito pong kalagayan, lumalapit ako sa Inyo, aking Inang Birhen, Bituin sa Karagatan at takbuhan ng mga makasalanan. Ipahintulot mo Po na Kayo ay aking maging dalanginan at ipakita mo ang Iyong habag, Yayamang Kayo ay kinilala naming Ina ng mga Walang Mag-ampon. Para sa akin ay ibinuhos ng Iyong Anak ang Banal Niyang dugo, kaya’t ibuhos Mo din naman ang Iyong awa at pagmamahal. Akayin mo po akong muli patungo sa inyong Anak. Tulungan Mo akong ilapit sa Kanya ang aking mga pangangailangan. Sa iyong pamamagitan, nananalig akong makakamtan ko ang kanyang habag.

 

Tahimik na banggitin ang mga kahilingan.

 

Sa pamamagitan ng Iyong maka-Inang pagkalinga. O Birheng Maria, samahan Mo ako hanggang sa dulo ng aking paglalakbay dito sa lupa patungo Sa maluwalhating tahanan ng Diyos Ama sa langit Kasama ng Anak at ng Diyos Espiritu Santo Magpasawalang-hanggan. Amen.


AWIT NG PAGBUBUNYI


Dakilang Tanda

Bienvenida Tabuena, Eduardo P. Hontiveros, SJ




Dakilang tanda ang sumikat sa langit,

babaeng nararamtan ng araw.

S'ya'y nakatuntong, sa maliwanag na buwan,

Labindalawang bituin ang kanyang korona.

 

Koro:

Dakilang tanda, ikaw O Maria,

kahanga-hanga ang iyong tagumpay.


MGA EBANGHELYO AT NATATANGING PANALANGIN SA BAWAT ARAW


UNANG ARAW:

Reina

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 1:38)

 

Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.

 

PANALANGIN SA UNANG ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, Reyna ng Langit at Lupa, sa iyong maluwalhating luklukan, tunghayan ng Iyong mga maawaing mata kaming mga makasalanan kaming ‘di nararapat na magkamit ng ng kaluwalhatian sa langit dumudulog kami ngayon sa Inyo kaming mga nangangailangan ng iyong pagkalinga at pagkupkop. Ipagtanggol kami at huwag hayaang madaig ng mga masasama. Alalahanin Mo na ang tagumpay ng sangkatauhan sa Iyong pamumuno laban sa kasamaan ay tagumpay rin naman ng iyong Anak. Kahit na nga bilang mga hukbo ng impyerno ay higit pa sa bilang ng buhangin sa dalampasigan o mga bituin sa kalangitan, kami ay nananalig pa rin na magta-tagumpay ang Iyong Kalinis-linisang Puso at hindi kami maaring mapahamak kung kami ay mananatili sa ilalim ng Iyong pangangalaga.

 

O Maria, aming Reyna, tulungan Mo kami lalo na sa panahong kami ay natutukso, sagipin Mo kami. Napapasailalim sa kapangyarihan ng masamang loob, ipagkaloob Mo po, maningning na tala, ang biyaya ng katapatan sa Anak Mong si Jesus at maging marapat kami sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling sa ikagagaling ng aming mga kaluluwa at katawan at para na rin sa lubos na ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon nagpasawalang- hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKALAWANG ARAW:

Madre

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 1:28-31)

 

Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!” Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus.

 

PANALANGIN SA IKALAWANG ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, maawain at masintahing Ina! Pinili Ka ng Diyos Ama na maging Ina ng kaniyang Bugtong na Anak. Ikaw rin ang pinagbilinan ni Jesus na maging Ina ng Sambayanan, at maging nang buong santinakpan. Noong Siya ay nakabayubay sa Krus, hiniling Niya na Ikaw ay aming tunghayan mahalin at igalang na parang tunay na Ina. Hinihiling naman Niya sa Iyo na kami ay tanggapin Mo, tulungan at kalingain na parang tunay Mong mga anak. Kanyang inihabilin na ibaling Mo po sa amin ang iyong Maka-inang pagmamahal na buong puso Mong inialay. Alang-alang sa habilin na ito at alang-alang sa Iyong kalinis-linisan at maawaing pusong Ina, ipagkaloob Mo po sa amin ang biyayang aming hinihiling. Ipadama mo ang Iyong pagmamahal lalo na sa panahong pakiramdam namin ay walang nagmamahal sa amin. Ikaw ang Inang laging handang dumamay at sumaklolo sa amin. Alam naming lagi Mo kaming inaalagaan, inaalala at ginagabayan. Patawarin Mo sana kami sa mga pagkakataong kami ay nagkakasala sapagkat alam alam naming ang pagsuway sa kalooban ng Diyos ay nagdudulot din sa Inyo ng pasakit at kalungkutan. O Maria, Inang Kaibig-ibig, Inang walang humpay ang pananalig sa Ama, akayin Mo kami patungo sa Inyong Anak na si Jesus at nang laging makasunod sa Kanyang kalooban at maging marapat kami sa pagkakamit ng aming kaluluwa at katawan para na rin sa lubos na ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon magpasawalang-hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKATLONG ARAW:

Maestra

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 2:15-19)

 

Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.

 

PANALANGIN SA IKATLONG ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, walang katulad na Guro! kinikilalang luklukan ng katarungan! pahintulutan Mo po na lumapit kami sa Iyo upang humiling ng patnubay na makasunod sa mga aral ng iyong giliw na anak na si Jesus. Siya ang nagpahayag sa amin ng Mahal na kalooban ng Diyos Ama at ang daan para makasunod at makatupad sa Kanyang mga kautusan, subalit dala ng aming pagkukulang, ang kanyang mga turo ay hindi namin lubos na maliwanagan. Alam Mo na ang aming pagkukulang sa pang-unawa ay nagiging dahilan ng aming pagkaligaw ng landas. Kaya lumalapit kami sa Iyo, sapagkat ipinagkaloob ng Ama sa Iyo ang karunungan. Ikaw ang nilukuban ng Espiritu Santo at pinag-kalooban ng pang-unawa. Hinihiling po namin na kami ay Iyong bahaginan ng pang-unawa, upang lubos naming ma-intindihan ang mga itinuro ng iyong anak. Noong mga panahong hindi Mo rin nauunawaan ang mga bagay na nagaganap sa Iyong Anak na si Jesus, minabuti Mong ingatan ang lahat ng ito sa Iyong puso. Ikaw ay lubusang nagtiwala at sumunod sa kalooban ng Diyos. Kami po nawa ay maging katulad Ninyo. Maraming bagay ang nangyayari sa aming buhay na hindi namin maunawaan. Madalas na kami ay nalilito at naguguluhan. Sa ganitong pagkakataon, Ikaw sana ang maging aming gabay, at ng aming kalooban ay matulad sa Iyong kalooban sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Nawa ang buhay namin ay maging tapat sa pagsunod sa buhay ng kabanalan at nang maging marapat kami sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling, sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para na rin sa lubos na ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon magpasawalang-hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

IKAAPAT NA ARAW:

Abogada

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mateo 2:13-15)

 

Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”

 

PANALANGIN SA IKAAPAT NA ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, lubhang makapangyarihang lubhang makapangyarihang tagapagtanggol! Tagapamagitan sa minamahal na Diyos Anak. Maibiging Ina at pinakamatapat na alagad, na ang mga ibinubulong kay Jesus ay laging pinakikinggan! Lumalapit kaming mga mahihina. Batid namin na ang aming tanging sandata sa mga panganib sa mundo ay ang matibay na pananampalataya sa Diyos. Taglay ang pananalig na hindi Niya kami pababayaan. Kami rin ay nananalig sa Iyo, yamang ikaw ay kinikilala naming Ina. nagtitiwala po kami na hindi kami hahayaang mapahamak. Lubos kaming nananalig sa iyong kapangyarihang kaloob ng Diyos. Totoong malaki ang aming pagkilala na alang-alang sa Inyong kapangyarihan at awa. Ipagkaloob ang kagalingang walang katapusan na papawi sa aming pag-aalinlangan, magbibigay buhay sa aming kalooban, magpapalakas sa aming kahinaan at magpapatibay sa aming pag-asa na hindi kami pababayaan. O Inang mahabagin, lubhang napakalaki ng aming pangangailangan sa Iyong mga payo at saklolo lalo na sa mga pagsubok sa buhay. kailangan Ka namin sa mga panahong wala kaming kalaban-laban sa panahong inaapi kami, sa panahong ipinagkakait sa amin ng mundo ang katarungan. Ipagtanggol mo kami at akayin patungo sa Iyong Anak na si Jesus, at nang sa gayon maging marapat kami sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para na rin sa ikaluluwalhati ni Jesukristo na Aming Panginoon magpasawalang-hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKA-LIMANG ARAW:

Bienhechora

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 1:56-58)

 

Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan bago siya umuwi. Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya.

 

PANALANGIN SA IKA-LIMANG ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, lubhang maawain at masikap sa pagka- kawanggawa! itinuturing na daluyuan ng biyaya ng Diyos! Patuloy kaming tumatanggap ng pagpapala sa Iyong pamamagitan. Nakakamit ang kapatawaran sa aming mga pagkukulang at pagkakasala dahil sa iyong walang sawang pananalangin para sa amin. Tunay nga, Mahal naming Ina ng kagandahang-loob, walang sinuman na lumapit at nagmakaawa na hindi mo pinakinggan at pinagkalooban ng awa. Hindi nalilihim sa iyong mga mata ang aming pangangailangan. Dala ng pananalig na nasa iyong puso ang pagkahabag at pagtulong sa mga nangangailangan, kami ay nananalanging huwag kaming pabayaan kaming Iyong mga anak. Ipahintulot na patikimin kami ng katamisan ng Iyong awa, na ipinagkaloob sa mga naghihirap. Alam naming nakikita Mo ang laki ng aming pagdurusa at bigat ng pasan. Huwag kaming pabayaan sa panahon ng kalamidad, pagkakasakit at kahirapan. Ina ng kabanalan at biyaya, kupkupin Mo kami, kalingain at ipanalangin. Idalangin na mapatawad lahat ng aming pagkakasala at maging marapat sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para na rin sa lubos na ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon magpasawalang- hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKA-ANIM NA ARAW:

Libertadora

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 2:33-35)

 

Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”

 

PANALANGIN SA IKA-ANIM NA ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, Mapagpalang Birhen! sa kalagayan ng buhay ng mga tao ngayon, na sa bawat hakbang, panganib ay ang aming natitisod, at saan man ibaling ang aming mga mata, salakay ng tukso ay nagbabanta, sa Iyo kami tumatakbo. Sa buong buhay namin ay nakaumang ang iba’t-ibang gawa ng masama at kahit saan ay naroon ang mga paanyaya ng mga makamundong bagay. Sa ganitong malalagim na kalagayan, ano pa nga ba ang aming gagawin kundi ang tumakbo sa Iyo para pasaklolo, yamang ang pagkupkop Mo ang siyang makapag-sanggalang sa amin sa patuloy na pagsalakay ng mga masasama. Kung tunay na sa hampas ng mga azucenang hawak ay nailigtas ang mga taong napabayaan at nalimot na at hindi nga nalibing nang dapat, ilayo Mo kami sa mga gawang masama. alam Mo na ang kapabayaan, sa ikabubuhay ng kaluluwa ay higit na masaklap at nakatatakot. Alam Mo na hindi ibig ng Iyong Anak na mapahamak ang kahit isa man sa mga tinubos ng kanyang Mahal na Dugo. Isinugo Ka sa amin upang makatulong sa pangangalaga sa amin, ang bumubuo ng Kanyang Kawan. Huwag mo kaming pabayaan at laging ipagsanggalang laban sa mga kaaway. Palayain Mo po kami sa kahirapan ng aming buhay at matagpuan nawa namin ang tunay kaligayahan at bagong buhay sa piling mo at ng iyong Anak na si Jesus, nang maging marapat kami sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling, sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para na rin sa lubos na ika luluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon, Magpasawalang- hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKAPITONG ARAW:

Consoladora

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 1:40-45)

 

Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. “Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!”

 

PANALANGIN SA IKA-PITONG ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, Katamis-tamisang Birheng mapang-aliw ng mga nalulumbay! Batid Mo ang kalungkutan at hapis ng aming mga puso hindi lamang dahil sa mga paghihirap na dinaranas sa buhay, kundi higit sa lahat, dahil sa madalas naming pagkakasala at pagwawalang bahala sa Iyo at Iyong anak, ang Panginoong Jesus at pagwawalang bahala sa Iyo at Iyong anak, ang Panginoong Jesus na lubos na nagmamahal sa amin. Maari ngang ang kalungkutang ito ay nararapat lamang sa amin Sapagkat ang aming pamumuhay ay puno ng maling gawain. Ito ang tunay na dahilan ng aming pagdurusa at isinasamo namin na lubos na aminin aming mga kamalian. Ibigay mo sa amin ang biyaya ng taos-pusong pagsisisi sa aming kasalanan nang sa gayon ay matamo ang malinis na kalooban at tunay na kapayapaan ng kaluluwa. Nananalig kami sa iyong mahabaging puso. Ikaw ang higit na nakauunawa sa aming pagdurusa. Walang maka-papantay sa dinanas mong hapis noong ikaw ay nakatayo sa paanan ng Krus ng mahal Mong Anak na si Jesus, habang nasasaksihan ang matinding paghihirap at paghihingalo at napa-pakinggan ang mga huling wika. Ikaw ang totoong aliw ng mga nagkakasalang nasadlak sa kamatayan, ginhawa ng mga naghihingalo, pag-asa ng mga walang malay! Tagapagkupkop ng mga kaluluwang naligaw! Alalayan mo po kami sa panahon ng aming kalungkutan, sa tuwing kami ay nahaharap sa kabiguan, nawawalan ng pag-asa. Huwag mo sana kaming pabayaan na madaig ng sobrang kalungkutan sa huling sandali ng aming buhay. Ipagkaloob mo ang iyong kalinga hanggang sa malagot aming hininga. Aming ina, ipakita mo sa amin ang iyong anak na siya naming tunay na kaligayahan at maging marapat kami sa pagka-kamit ng mga biyayang aming hinihiling sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para na rin sa ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon, magpasawalang- hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKA-WALONG ARAW:

Remedio

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Juan (Juan 2:1-5)

 

Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”

 

Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang. Hindi pa ito ang aking tamang oras.”

 

Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

 

PANALANGIN SA IKA-WALONG ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, lubhang mabisang lunas sa mga sakit ng sangkatauhan! Totoong kahabag-habag ang kalagayan ng aming kaluluwa, kung hindi kami kaaawaan na gunitain, tiyak nakamatayan ang aming kahahantungan. Ang lahat ng paghahangad na makasasama sa katawan, pamamaga ng puso sa kapalaluan at pagkamakasarili at kasabikan sa pagkakamit ng karangalan at kapurihan ng mundo, ang napakandidiring sugat na binabalungan ng maruruming hilig na laban sa kalinisan at tunay na nagpapahirap sa amin. Ito ay parang kanser na kumakalat sa buong katawan, parang ketong na umuubos ng aming laman at unti-unting pumapatay sa amin. Gayon din naman, hindi rin kami makaliligtas sa mga sakit ng katawan at sa dami ng mga karamdamang dumadapo, sa aming pagka-karatay sa higaan, sa pagkaubos ng aming lakas ay lumalapit kami sa iyo sapagkat nasa Iyo ang tanging lunas – ang aming Panginoong Jesukristo. Nananalig kami na isang haplos lamang niya ay gagaling na kami kahit gaano man kalubha ang aming karamdaman. Mahawakan lamang ang laylayan ng Kanyang damit ay gagaling na kami. Kaya’t ilapit Mo po kami sa Sanggol na kalong sa Iyong bisig.  Ikaw ang aming pag-asa sa panahong tinanggihan na kami ng lunas dulot ng ano mang uri ng gamot sa mundo. Ikaw ang Ina naming nagpapagaling sa mga sakit, dalhin kami kay Jesus at nang maging marapat kami sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para rin sa lubos na ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon magpasawalang-hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

IKA-SIYAM NA ARAW:

Luz

 

EBANGHELYO

Ebanghelyo mula kay San Lucas (Lucas 1:46-49)

 

At sinabi ni Maria,

 

“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Banal ang kanyang pangalan!

 

PANALANGIN SA IKA-SIYAM NA ARAW

O Kamahal-mahalang Maria, maningning at maliwanag na ilaw! Ang tinutukoy na Babaeng Nararamtan ng Araw! Ang talampakan mo ay naka-tungtong sa maliwanag na buwan at ang ulo Mo ay nakokoronahan Labindalawang Bituin. Ikaw na inihahalintulad sa kagandahan ng buwan, Ipakita mo amin ang kagandahan ng iyong puso. Patikimin mo ng matamis na sinag ng iyong awa, kaming nasasadlak sa kadiliman nitong mundo at sa ilalim ng kamatayan. Itinakda na ang buwan ay sumisikat hindi sa araw kundi sa gabi at nang ang Kanyang liwanag ang siyang magtaboy sa dilim ng gabi. Tunay nga na ang ningning ng bituin ang siyang nagiging gabay ng mga naglalakbay sa gabi upang hindi maligaw. Kaya nga ikaw na maliwanag pa sa buwan, Ang Bituing Maningning na aming nilalapitan. Tulungan Mo kami sa mga panahong hindi namin alam ang aming gagawin. Kapag napapalaot ang mga mangingisda, ang parola ang nagbibigay ng ilaw para maging gabay nang makabalik nang ligtas sa dalampasigan. Ikaw sana ang maging aming parola ng kaliwanagan ngayong kami ay napapalaot sa dagat ng buhay ng mundo. Bigyan mo kami ng pag-asang makabalik ng ligtas sa iyong piling, At sa piling ng aming Panginoong Jesukristo. Ang buhay na nasa Iyo ay ang buhay na ilaw ng mga tao. Halina, Dakilang Taga-aliw, Espiritu ng Kaliwanagan at Pag-ibig! Liwanagan Mo ang aming pag-iisip, puso at kalooban nang taglayin namin ang pag-ibig na malinis at karapat-dapat sa Iyo Tanda ng katapatan sa Iyong Anak na si Jesus at nang maging marapat kami sa pagkakamit ng mga biyayang aming hinihiling sa ikagagaling ng aming kaluluwa at katawan at para na rin sa lubos na ikaluluwalhati ni Jesukristo na aming Panginoon magpasawalang- Hanggan. Amen.

 

AMA NAMIN

ABA GINOONG MARIA

LUWALHATI

 

PANALANGIN SA INA NG MGA WALANG MAG-AMPON

Ave Maria, ikaw ang mapagmahal na Inang kumakalinga sa aming lahat. Ikaw na mahabaging INA na kumukupkop sa mga Walang masilungan. Kami ay lumalapit sa iyo, bukod na pinagpalang Ina ng aming Panginoon.

Ikaw ang aming REYNA; pamunuan mo kami sa paglaban sa kasamaan. Ikaw ang aming GURO; papaglinawin mo ang aming isip sa panahong kapos kami sa pang-unawa. Ikaw ang aming ILAW; tanglawan mo kami nang 'di kami maligaw sa dilim. Ikaw ang aming LUNAS; hilumin mo ang sakit ng aming mga kaluluwa at katawan.

Aming Ina, ipagtanggol mo kami sa aming pagkaapi. Aliwin mo kami sa aming pagkaalipin sa aming mga kahinaan. Inang mapagkawanggawa, ilahad mo ang iyong mga kamay sa mga kapus-palad na nangangailangan ng iyong tulong. Ina ng sangkatauhan, ipanalangin mo kami at akayin sa landas patungo kay Hesukristong Panginoon namin. Amen.

Kami'y iyong ipanalangin, mahabaging Ina ng mga Walang Mag-ampon.


DALIT PARA SA BIRHEN NG MARIKINA


DALIT PARA SA BIRHEN NG MARIKINA

V: Ina At Reyna Ng Tanang Pinanghihinaan,

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

REINA

AMPUNIN, O REYNANG MAHAL,

KAMING ALAGAD MONG TUNAY

UPANG MAKAPAG-TAGUMPAY

SA MGA KAAWAY

KAMING IYONG MGA AMPON,

SA IYO’Y SUMISILONG 

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

MADRE

AMPUNIN, O GILIW NA INA

KAMING SADYANG NINITA

NA KUPKOP NG IYONG SINTA

TANGHURAN NG AMING PITA

UPANG DIN SA IYONG TULONG

LIGAMPAM NAMI’Y HUMANTONG

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

MAESTRA

AMPUNIN, O MAESTRANG PANTAS

KAMI’Y TURUANG MAGMALAS

MGA LALANG NI SATANAS

NANG MATUTO NGANG UMIWAS

DAYA NIYA’Y DI AAYON

SA ADYA NG IYONG DUNONG

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

ABOGADA

AMPUNIN, MO NA NGA KAMI,

O MAHAL NA PINTAKASI

IPAGSANGGALANG PARATI

SA SALANG IPAGSISI

ANG BANSOT MAN AY YAYABONG

SA LILIM NG IYONG KANLONG

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

BIENHECHORA

AMPUNIN MO NG BUONG AWA,

O MAPAGKAWANG-GAWA

KAMI PONG NAGDARALITA

DITO SA BAYAN NG LUHA

HIRAP MAN AY SUSON-SUSON

LINGAPIN MO’T MALILIPOL.

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

LIBERTADORA

AMPUNIN AT ARUGAIN

O MAPAGTANGGOL NA BIRHEN

KAMI NA KAHIT SALARIN

MGA TUNAY MONG ALIPIN

ILIGTAS KAMI SA SULSOL

NG DEMONYONG MAPANLIMBONG

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

CONSOLACION

AMPUNIN, O MAPANG-ALIW

KAMING TANANG NARIRITO

NA NAMAMANHIK SA IYO NA KAMI’Y ALIWIN MO

DALITA’T LUMBAY AY YAYAON

PAGSIPOT NG IYONG TULONG

 

R: KAMI’Y IPAGTANGGOL, INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

LUZ

AMPUNIN MO AT ILAWAN,

ANG TANANG NAHAHANDUSAY

SA MALAKING KADILIMAN

NG SALA AT KAMATAYAN

SAKLOLOHAN KAMI NGAYON

AT SA HABANG PANAHON

 

R: BIGYAN MO PO KAMI NG LAKAS UPANG MALABANAN ANG KASALANAN.

 

MANALANGIN TAYO:

O DIYOS NAMING AMA, IPAGKALOOB MO SA AMIN ANG KABANAL-BANALANG BIRHENG MARIA NA AMING IGINAGALANG SA KATAMIS-TAMISANG PANGALANG INA NG MGA WALANG MAG-AMPON.

 

SA KANYANG PAMAMAGITAN BUONG GILIW KANG NAGKALOOB NG ISANG TANGING BIYAYA NA ANG SUMILONG SA KANYANG PAGKALINGA AY HINDI MAPAPABAYAAN. IPAGKALOOB MO PO SA AMING MGA LINGKOD MO, NA MAPAKUPKOP SA IYONG SAKLOLO, SA TULONG NG PANALANGIN KAILANMAN SA IYONG AWA. ALANG-ALANG KAY JESUKRISTO NAMING PANGINOON. SIYA NAWA.






PANGWAKAS NA PANALANGIN


O Kabanal-banalang Birheng Maria, tagapagkupkop ng mga nilikhang walang kumakalinga, Ina ng Kabanalan at biyaya, nagsu-sumamo kami, Iadya Mo po kami at kalingain sa panahon ng aming pagdurusa. Bigyan kami ng lakas loob sa harap ng aming kahirapan, aliw sa aming kalungkutan, ginhawa sa aming pagtitiis. Sa aming pagdalanging ito, buong puso naming inilalapit sa iyo, O Mahabaging Ina ng mga Walang Mag-ampon Ang lahat ng mga kapatid naming nangangailangan ng iyong tulong at pagkalinga: mga nalulumbay, mga pulubi, mga nasisiraan ng bait, mga taong walang makain at walang matirahan at lahat ng mga nangangailangan ng iyong pag-ampon. Ngunit higit sa lahat, hinihiling naming na-nanalangin ngayon na tulungan mong maging matulungin at maawaing katulad Mo, at ng aming Panginoong Jesukristo, gawin Mo kaming instrumento ng iyong pagmamahal. Lagi nawa kaming maging maulinigin sa panga-ngailangan ng aming kapatid at maging handang ialay ang sarili para sa kanila. Maging buhay nawa kaming halimbawa ng iyong kabutihan.

 

O Maria, Inang kaibig-ibig, nararamdaman naming buong giliw Mong tinutunghan kaming humihingi ng iyong tulong sa lahat ng aming mga pangangailangan. Sakaling hindi nararapat na igawad ang aming kahilingan, isinasamo namin sa Diyos na igawad sa amin ang lalong ikalulugod Niya Ang isang dakilang pagsunod sa Kanyang Banal na Kalooban. Kapuri-puri at ulirang pamumuhay! Igawad mo rin sa amin ang biyaya ng kaligayahan sa langit At doon ay magpupuri kami kasama ng lahat ng mga Banal sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Jesukristo, Kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, ngayon at magpasawalang- hanggan. Siya Nawa.


Pangwakas na Awit


Salve Regina

Eduardo P. Hontiveros, SJ


O Santa Maria, O Reyna't Ina ng Awa,
Ika'y aming buhay, pag-asa't katamisan.
Sa 'yo nga kami tumatawag,
Pinapanaw na anak ni Eva.
Sa 'yo rin kami tumatangis,
Dini sa lupang bayang kahapis-hapis.
Kaya't ilingon mo sa amin
Ang mga mata mong maawain,
At saka kung matapos aming pagpanaw,
Ipakita mo sa amin: Ang iyong anak na si Hesus.
O magiliw, maawain, matamis na Birheng Maria.

Aba Ginoong Maria

Tradisyunal


Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya,

Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.

Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat

At pinagpala naman ang 'yong anak na si Hesus.

Santa Maria, Ina ng Diyos

Ipanalangin mo kaming makasalanan

Ngayon at kung kami'y mamamatay.

Amen.


Share by: