Ginugunita natin ang pagpaparangal sa krusipiko upang alalahanin ang Kan’yang pagpapakasakit bilang tanda ng marubdob niyang pagmamahal sa atin.

Ilang libo na ang nakararaan nang maganap ang kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa Krus. Dahil dito, nagkaroon ng kabuluhan ang ating buhay at pananampalatayang Kristiyano. Bilang pagdiriwang tuwing Biyernes Santo, nakagawian na ng Simbahan at mananampalatayang Katoliko na gunitain at parangalan ang krusipiko sa Simbahan bilang tanda ng maalab na pananalig ng bawat isa kay Hesus na ating Tagapagligtas.
Sa ating mga Katoliko, mahalaga sa atin ang muling pag-alala sa bawat kaganapan sa buhay ng ating Panginoon. Isa rito ang Kan’yang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus na dahilan ng ating pagkakaligtas mula sa kasalanan. Marahil ay marami pa rin sa atin ang hindi nakauunawa nang lubos sa gawaing panliturhiya at pagdiriwang na ito. Hindi taon-taong namamatay si Hesus.
Ginugunita natin ito upang alalahanin ang Kan’yang pagpapakasakit bilang tanda ng marubdob niyang pagmamahal sa atin. Hindi Siya nag-alay ng Kan’yang buhay para Kan’yang sariling kabutihan at katanyagan bagkus, inihandog niya ito para sa awa at pag-ibig na klarong dahilan upang muli itong alalahanin at gunitain bilang matimyas na pagpaparangal sa Kan’yang sakripisyo. Ang pagpaparangal sa Krus na Banal ay ginaganap tuwing ika-3 ng hapon tuwing Biyernes Santo. Ito ang sinasabing oras ng kamatayan ni Hesus nang mga panahong niyakap niya ang kalbaryo.
Sa gawaing panliturhiya na ito pinahahalikan sa bawat mananampalataya ang Banal na Krus bilang sagisag ng pagpaparangal sa kabanalan at kabutihang inialay ni Hesus sa bawat isang sumasampalataya sa Kan’ya. Sa ganitong paraan, bilang mananampalataya ay pinagpipitagan natin ang Panginoong Diyos.
Ang nagmamahal ay nagpapakasakit dahil bunga ito ng marubdob na pag-ibig. Tulad ni Hesus, atin nawang makita ang halaga ng pagsasakripisyo, pagbibigay, at pagpapaubaya bilang pagpaparangal sa Kan’ya. Tinatawag tayo ng Diyos sa pagmamahal at pagbibigayan. Tinatawag niya tayo para sa kabutihan at para sa mga nangangailangan. Ang araw na ito ay hindi gunugunita dahil sa pagkamatay ni Hesus sa halip, ginugunita ito upang Siya ay parangalan, yakapin, at ipakita sa atin ang tunay na pag-ibig at pagpapakumbaba.
