Ipinagdiriwang ng Simbahan ang kapistahan nina Apostol San Felipe at Santiago Menor tuwing ika-3 ng Mayo. Sa ebanghelyo ngayon, natunghayan nating hiniling ni Felipe kay Hesus na ipakita sa kanila ang Ama upang sila raw ay masiyahan. Sinabi naman ni Hesus na dahil dito ay hindi pa rin niya Siya kilala.

Ang Ama ay na kay Hesus at si Hesus ay nasa Ama. Sila ay iisa. Ang makakakita kay Hesus ay nakakakita na rin sa Ama.
May mga kahinaan ang mga alagad gaya ni San Felipe. Ganito rin ang nangyari noong bago maghimala si Hesus. Inakala niyang kailangan pa ng napakaraming pera para mapakain ang libu-libo ngunit kapangyarihan lang lang pala ng Diyos at pananalig sa Kanya lang pala ang kailangan pati ang munting alay ng batang lalaki.
Marahil isang ibig sabihin nito, hindi dapat makaharang sa ating misyon at bokasyon ang anumang kahinaan at pagkukulang natin sa Diyos. Bilang mga taga-sunod ni Hesus at tagapagpatuloy ng misyon ng mga apostol, tanggapin natin ang awa ng Diyos upang magbagong muli at magawa ulit ang tama sa susunod.
Naging matagumpay sina San Felipe at Santiago Menor sa iniatas sa kanila ni Hesus. Ang huli ay pinaniniwalaang nagsulat ng epistol sa Bagong Tipan na may titulo rin ng parehong pangalan. Namatay sina San Felipe at Santiago bilang mga martir dahil sa pagpapahayag ng Mabuting Balita tulad ng lahat ng mga apostol liban kay Juan. Ano naman kaya ang maibibigay natin sa Diyos para matupad ang misyong inihanda Niya sa ating buhay?
Pagnilayan po natin ito.