PAGNINILAY SA LINGGO NG PALASPAS
Marga de Jesus | OLA Social Communications

Narito na ang gagapi sa kamatayan at magbubukas ng Langit para sa ating lahat ngunit bakit ang Hari ang kailangang magdusa? Bakit Siya ang dapat na magpakababa, ihalintulad sa mga kriminal at parang isa sa pinakakasuklam-suklam, gayong Siya ang Diyos?

MABUTING BALITA
Marcos 14, 1 – 15, 47


o kaya: Maikling Pagbasa
Marcos 15, 1-39


Ang Pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Marcos


Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, ang mga eskriba, at ang iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Kayo na ang nagsasabi,” tugon naman ni Hesus. Nagharap ng maraming sumbong ang mga punong saserdote laban kay Hesus, kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang sumbong laban sa iyo.” Ngunit hindi na tumugon pa si Hesus, kaya’t nagtaka si Pilato.


Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo – sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan. Nakabilanggo noon ang isang lalaking nagngangalang Barrabas, kasama ng ibang naghimagsik at nakapatay nang nagdaang himagsikan. Lumapit ang mga tao at hiniling kay Pilato na isagawa na ang kanyang kinaugaliang pagpapalaya ng isang bilanggo. “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” tanong niya sa kanila. Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa mga punong saserdote na dalhin sa kanya si Hesus. Ngunit ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong saserdote na si Barrabas ang hilinging palayain. “Kung gayon, ano ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” tanong uli ni Pilato. “Ipako sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” ani Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Hesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.


Dinala ng mga kawal si Hesus sa pretoryo, ang tirahan ng gobernador, at kanilang tinipon ang buong batalyon. Sinuutan nila si Hesus ng isang balabal na purpura. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawang korona at ipinutong sa kanya. At sila’y patuyang nagpugay at bumati sa kanya: “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaghahampas nila ng tambo sa ulo, pinaglulurhan, at palibak na niluhud-luhuran. At matapos kutyain, siya’y inalisan nila ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus.


Nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. At kanilang dinala si Hesus sa lugar na kung tawagi’y Golgota – ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Binigyan nila siya ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ininom. Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga damit ang mapupunta sa bawat isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Hesus. Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. Sa gayo’y natupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Ibinilang siya sa mga salarin.”


Nilibak siya ng mga nagdaraan, na tatangu-tangong nagsabi, “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Bumaba ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ang sabi sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba, ngunit di mailigtas ang sarili! Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel – maniniwala tayo sa kanya.” Inalipusta din siya ng mga nakapakong kasama niya.


At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang mag-iikatlo ng hapon, si Hesus ay sumigaw, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi’y “Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo at kumuha ng espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, at pagkatapos ay inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga.


Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.


Biglang nawasak sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang isang kapitan ng mga kawal at kanyang nakita kung paano namatay si Hesus kaya’t sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”


Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


Pagninilay:


Ang tawag sa Linggong ito ay “Palm Sunday” o “Passion Sunday” sapagkat ngayong araw sa ating liturhiya ay natunghayan natin ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo. Ang “Palm Sunday” naman ay dahil sa palaspas. Si Hesus ay pumasok sa Herusalem sakay ng isang asno. Isa itong pagpapakilala na si Hesus ay hari. Ang pagsalubong o pagbati naman sa isang hari ay ang pagwawagayway ng palaspas. Si Hesus nga ay totoong ating Hari, subalit alam natin kung saan hahantong ang lahat ng ito – sa kamatayan ni Hesus.

Siya nga ang ipinangakong Mesiyas na Anak ni Haring David. Noon pa ma’y ipinangako na ito ng Diyos sa haring ito na minamahal Niya. “Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman” (2 Samuel 7:16). Sinabi rin ng Diyos kay Haring David, “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala, matapos na ika'y pumanaw sa lupa" (Mga Awit 132:11).

Matapos magkasala sina Adan at Eba, ipinahayag ng Diyos na mayroong darating na Tagapagligtas. Sa mga propesiya, nasasaad na ang Mesiyas ay ipapanganak ng isang birhen. Siya ang aapak sa ulo ng ahas na walang iba kundi ang diablo. Si Hesus ang katuparan ng planong pagliligtas ng Diyos. Ang trono ni Hesus ay hindi makamundo at hindi tulad ng mga kapangyarihan ng nasa sanlibutan na gumagamit ng dahas at makasarili. Layunin ng Diyos na pagharian ang ating mga puso at buhay sa pamamagitan ng pag-ibig at pagbibigay ng sarili.

Kapag pinagninilayan natin si Hesus na namatay sa Krus para sa iyo at sa akin, hindi ba’t nararamdaman nating mas lalo natin Siyang gustong mahalin, sundan at pagsilbihan? Narito na ang gagapi sa kamatayan at magbubukas ng Langit para sa ating lahat ngunit bakit ang Hari ang kailangang magdusa? Bakit Siya ang dapat na magpakababa, ihalintulad sa mga kriminal at parang isa sa pinakakasuklam-suklam, gayong Siya ang Diyos? Bakit kailangang mamatay ng Hari at Tagapagligtas?

Ang sagot ay mula rin sa pag-ibig: dahil ninais ng Diyos na kunin at akuin ang lahat ng kasamaan, kadiliman, at lahat ng kasalanan lalo ang pinakamabibigat para tayo’y mapatawad. Lahat naman ng tatalima at maniniwala sa Kanya, magdusa man sa buhay na ito, ay may aasahang buhay na walang hanggan sa Langit. Doon ay wala nang hapis habang buhay sa piling ng Diyos kung saan tayo dapat talaga naroroon.

Sarado na ang langit para sa atin noon. Walang sinuman na ipapanganak na tao sa mundo ang may kakayanang iligtas tayo dahil lahat tayo matapos ni Adan at Eba ay mga lubhang makasalanan sa sinapupunan pa lamang. Subalit si Hesus ay walang kasalanan dahil Siya ay Diyos na naging Tao. Siya ang tanging makakapagligtas sa atin kaya sabi sa Ikalawang Pagbasa, bagamat Siya’y Diyos, itinuring Niya ang sarili na pinakamababa para mailigtas tayo.

Dahil sa pagpapakababang ito, maibabalik Niya ang lahat sa Ama. Hindi lamang ang mayayamang tinitingala ng mundo kundi pati ang mga walang wala. Hindi lang ang mga magagaling at malalakas sa mata ng mundo kundi pati ang mahihina. Lahat ay pantay-pantay sa Kanya. Kaya nga dapat din nating tanggapin at akayin pupunta sa Diyos ang pinakaaba at pinakamasasama maging ang mga nakasakit sa atin. Ganito ang ginawa ng Diyos sa atin at ganito ang gusto Niyang gawin natin.

Ngayong mga Mahal na Araw, alalahanin natin ang pagkakasala at pagkukulang natin sa Diyos. Magkumpisal tayo, magpatawad at magsimba na tayo hindi lang ngayon kundi tuwing Linggo bilang pagtupad sa Banal na Araw ng Obligasyon. Gawin natin itong lahat ng nauunawaan natin kung bakit tayo nagsisimba. Makinig at magnilay tayo sa Salita ng Diyos. Higit sa lahat, sundin natin ito para tayo rin ay makapasok sa Langit na inihanda ni Hesus para sa atin.


PAALALA: Sa araw ng Linggo ay magsimba po tayo. Narito po ang oras ng mga Banal na Misa sa ating Parokya: 5:00 AM, 6:30 AM, 8:00 AM, 9:30 AM, 11:30 AM, 4:00 PM, 5:15 PM, at 6:30. Ito ay ating Banal na Obligasyon. Maraming salamat po. Pagpalain po nawa tayo ng Panginoon at patuloy na ipanalangin ng ating Nuestra Señora delos Desamparados.

By Marga de Jesus | OLA Social 01 May, 2024
Sa lahat ng mga santo liban kay Maria, si San Jose ang pinakabanal at importante sa lahat ng mga lalaki.
By Gabriel Hans Ordoñez | OLA Social Communications 01 May, 2024
Pamana ito ng ating mga ninuno na bukod sa taguring na Flores de Mayo ay kilala rin sa tawag na Flores de Maria. Isang buong buwan ito na itinatagala bilang pagpaparangal kay Maria.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications 27 Apr, 2024
“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.”
By Jasper Rome | OLA Social Communications 25 Apr, 2024
Much of what we know about St. Mark is that he is the author of the Second Gospel, which comes from the New Testament and early Christian tradition.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications 20 Apr, 2024
Dahil dito, maakay natin ang iba sa Diyos hindi man sa salita kundi sa gawa at kilos na nagpapatotoo sa ating totoo at malalim na pananalig sa Diyos.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications 14 Apr, 2024
Ipinaliwanag ni Hesus sa Kanyang mga alagad na kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas dahil iyon ang makapagliligtas at makapagbabayad ng ating mga kasalanan.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications 07 Apr, 2024
Magkumpisal tayo at mararanasan nating Diyos pa ang aaliw sa ating pusong nasugatan ng kasalanan.
By Jasper Rome | OLA Social Communications 06 Apr, 2024
On Divine Mercy Sunday, we can obtain plenary indulgence and be completely cleansed, similar to our baptism.
By Marga de Jesus | OLA Social Communications Ministry 31 Mar, 2024
Kailangang tumimo sa ating mga puso na si Kristo ay tunay na bumangon mula sa mga patay at Siya ay nagtagumpay sa planong pagliligtas ng Diyos dahil dito.
By Chris Alphonsus J. Terence | OLA Social Communications 30 Mar, 2024
God calls us to the path of holiness. In understanding the Easter Vigil and Easter Sunday Mass, may we glorify God even more, and may we seek to open our hearts to receive more graces so that we may be united with Jesus, both in our sufferings and glorious resurrection.
More Posts
Share by: